Thursday, 9 June 2011

Bestida ng Tropa


Hindi mawala sa aking alaala…
Nung panahon na ika’y makita…
Isang magandang tanawin…
Sa araw na noo’y makulimlim…

Ang iyong galaw ay Pilipinang Pilipina…
Tulad ng iyong makulay na bestida…
Ang iyong pagdaan sa aking harapan…
Nagbigay ng kakaibang init sa pakiramdan…

Kahit siguro ang lamig ng tubig…
Ay hindi kayang mapalamig init ng dibdib…
Sa kutis na kay puti at kay kinis…
Tibok ng puso ay biglang bumilis…

Hindi na naalintana…
Mga nakapaligid sa ating dalawa…
Pagkat ang mundo ay tila huminto…
At parang ikaw na lang ang nakikita ko…

Ngunit ang aking mundo ay biglang gumuho…
Ng halikan ka ng isang kasama mo…
At hindi pa nakuntento…
Nagpayakap ka pa sa isa pang ginoo…

Dapat ba ganoon ka sa iyong katropa…
Kung oo pwedeng bang sumali pa…
Mukha kasing masaya ang inyong samahan…
Upang saya rin ako’y maambunan…

Ngunit siguro ay hindi na maaari…
Pagkat pito na ang iyong hari…
Mahirap rin naman makipagsiksikan…
At baka ikaw sobra ng mahirapan…

Kaya ngayon kontento na ako…
Na minsan ika’y nasilayan ko…
At kung sakali man na maging mag-isa ka…
Tandaan mo maaari mo rin akong maging…
KATROPA…

Sunday, 1 May 2011

NO LOADING BAY


“Dapat alas siyete ng umaga andun ka na,” ani boss ko. “And there’s no reason to be late.”
“Alas siyete po?” tanong ko.
“Kailan ka pa nabingi?”
“Sige po… Alas siyete,” sabi ko na lang sabay hakbang palabas ng pinto.
“Pwede pong magtanong?” pahabol ko.
Isang matalim lang na tingin ang ipinukol sa akin.
“Hindi po ba pwedeng seven oh one na lang ako dumating?”
“Get out!” lang ang nakuha kong sagot.
____________________________________________________

Anak ng tokwa talaga. Kulang kulang na apat na oras pa ang biyahe ko mula sa bahay hanggang sa Mall na pagdadausan ng proyekto ng aming opisina. Paano iyon?. Dapat magising na naman ako ng sobrang aga, o hindi kaya wag na lang akong matulog?. Mas maganda yata iyon. Pressure na naman ito.

Alas siyete na ng maka-uwi ako sa bahay, matapos kumain, maligo at magtoothbrush ay dumiretso na ako sa kwarto para maaga akong makatulog at maaga rin akong magising. Pinatay ko na nga ang tv kahit isa sa mga paborito ko ang palabas upang hindi ako maakit na magpuyat. Sacrifice. Ngunit bakit ganun?. Kung kailan gusto kong matulog ay hindi naman ako makatulog at kung ayaw kong matulog ay doon naman ako aantukin. Haaaayyyy…

Nakailang libong ikot na yata ako sa kama ngunit ayaw talaga akong dalawin ng antok… Alas otso… Alas nuebe… Alas diyes… Alas onse… Alas dose… Zzzzzzzz…

Krrriiiiiinnnnngggg!.

Napabalikwas ako sa kama ng parang dambuhalang mga kampana na nag-alarm ang cellphone ko.

Anak ng pusa!. Alas dos na. Kailangan ko ng lumarga!. Mabilis pa sa alas kuwatro nasa loob na ako ng banyo at pagbukas ng shower…

“Aaaaahhhh…” Mahapdi rin pala sa balat kapag ice cold ang tubig. Parang mga karayom na tumutusok sa aking ubod ng kapal na balat.

Hmmmm… Bagong trivia.

Salamat sa tubig at nagising pati ang espirito ko pang tulog at naglalaway. Isang tasang kape lang at okay na. Kinse minutos lang nasa waiting shed na ako at naghihintay ng tricycle papuntang bayan kung saan dumaraan mga bus.

Ito kasi ang mahirap kung nasa liblib na lugar at malayo sa kabihasnan ang iyong tahanan kung saan ilang hakbang mo na lang ay langit na. Mabuti nga at may signal ng cell phone, may linya ng kuryente at tubig kundi mapagkakamalan mong bumalik ka sa panahon ni Gat Jose Rizal. Cable at landline na lang ang wala kaya either kapamilya ka o kapuso lang.

Kaya nandoon ako sa madilim at malamig na waiting shed at naghihintay ng mangkukulam o manananggal para maki-hitch ng ride ngunit salamat sa Diyos at makalipas ang kalahating oras ay may dumaan na tricycle.

“Boss sa bayan!” ani ko na parang kasali ako sa The Amazing Race.

At tulad ng inaasahan sa mga makalumang motorsiklo. Maingay at mabagal. Ang biyaheng dapat ay limang minutos lang ay tumagal ng kinse minutos at ng makarating sa inaasam na destinasyon ay mukha na akong refugee dahil sa sobrang tagtag ng biyahe.

Hindi rin pala sa tricycle mahirap sumakay pati rin bus. Kung hindi papunta sa pupuntahan ko ang dumaraan ay puno naman. Kahit standing na sana titiisin ko basta makasakay lang pero ayaw din nilang huminto. Mag-aalas kuatro na at kung wala pa akong masakyan ay dedbol na naman ako. Ipinikit ko ang aking mga mata at humiling na sana’y may dumaan na. Sana. Sana. Sana… At ng iminulat ko ang aking mata ay isang nakakabulag na liwanag ang bumungad sa akin at matapos ang ilang segundong pagkatuliro ay mula sa liwanag ay nakita ko ang karatulang Cubao. Headlight pala ng bus, bus na hinihintay ko.

Halos nasa gitna na ako ng kalsada sa pagpara at wala akong pakialam kung mabadtrip ang tsuper at sagasaan ako kasi dedo rin ako kapag nalate ako. At himala! Huminto.
____________________________________________________


“Ser gising na po, dito na po tayo SM,” sabi ng tao sa panaginip ko at biglang lumindol. “Ser… Ser… Ser…”

Gulat na nagising ako, ang konduktor lang pala. Mabilis akong tumayo at kahit hindi makalakad ng diretso ay pinilit kong tunguhin ang pintuan at bog!. Langyang driver hindi pa pala binuksan ang pinto. Ouch! Nabukulan yata ang noo ko. Badtrip! Dyahe talaga, may nakaupo pang magandang dilag sa harapan at kahit hindi tumatawa ay nakakainsulto naman ang ngiti, parang sinasabing… Shunga!...

At langya uli, binuksan nga ang pinto ngunit humampas naman sa pisngi ko. Natitiklop pala ito pag bumubukas. Mga bituin ba nakikita ko?. Hindi ko alam kung ako ang tanga o ang tsuper o nananadya lang talaga dahil napamura ako kanina sa pagkauntog ko.
Parang gusto kong harapin ang driver at sabihing… “Pakyu!” pero baka pagtulungan ako ng kundoktor niya. Kamukha pa naman nila si The Rock.

Nahihilo, masakit ang ulo at namamanhid ang kanang pisngi ko ng makababa ako at makaapak sa kongkretong daan. Medyo madilim pa at pagtingin ko sa aking relos. Alas sais singkenta’y sais. Achievement. Sinong nagsabing walang Superman.
____________________________________________________


“Anong mamaya pa magbubukas ang mall?” may halong inis na sabi ko sa babaeng guardiya.
“Ser alas diyes po magbubukas ang mall,” ulit nito.
“Hindi ako pumunta dito parang magshopping, may project ang ahensiya naming dito,” paliwanag ko.
“Ilang taon na ba kayo ser?”
“Bente otso.”
“Hindi ngaaa?, mukha po kasi kayong estudyante.”
Nanbola pa! Cute sana siya. Hindi ko alam kung paghanga o panlalait ang sinabi ng lady guard pero wala akong panahon makipagdiyalogo sa kanya. Kailangan kong makapasok para mai set-up ko na ang lugar.
“Ito po I.D ko, may pangalan din yata ako na i finorward sa inyo galing sa office.”
Saglit na may tinignan siyang papel.
“Ah… Yes sir… Nandito po pangalan niyo.”
“Pwede na ako pumasok?”
“Pwede na po.”
 _________________________________________________


Ganun pala itsura ng mall kapag wala pang tao. Madilim at nakasara rin ang mga stalls. Ang mga booth sa gitna ay binalutan ng itim na lambat na parang mga balyena sa gitna ng makinis na sahig. Madilim pa noon sa loob at mainit at maliban sa mangilan ngilan na janitor ay ako lang ang nandoon. Dinig na dinig din ang bawat hakbang ko na parang isang higante ang naglalakad.

Akala ko nandoon na mga kasama ko kasi sabi nila ay dapat alas siyete at bawal malate. Mga kinse rin kami na pupunta pero bakit ganun? Advace ba relos ko.

Nang marating ko ang event area ay maayos naman na. Inayos na ng grupong nauna nung nakaraang araw. Umupo ako at naghintay at matapos ang dalawampung minute ay dumating na rin ang mga resbak.
“Aba ang aga mo,” bungad ng isa kong kasama.
Hindi late lang kayo pigil na saad ko.
 ___________________________________________________


Alas sais na ng gabi ng matapos ang trabaho namin ngunit pakiramdam ko ay tatlong araw na akong nagtratrabaho ng walang pahinga. Ang daming dumating. Grabe!. At ng sabi ng boss ko na tapos na kami ay para akong nanalo sa lotto. Ang gusto ko na lang ay umuwi at humiga sa aking malambot na kama.

Matapos mamili ng kaunti ay lumabas na ako ng mall at iniwan ang iba ko pang kasama. At dahil ngayon ko lang maranasan ang magcommute papunta at pabalik sa naturang lugar ay hinanap ko ang sakayan. Sa bandang kanan ay maraming tao ngunit sa kaliwa ay kaunti. Pupunta na sana ako sa matao dahil doon sigurado ang sakayan ng dumating ang isa ko pang kasama na first time din magcommute doon.

“Pare dun tayo,” suhesiyon niya. “Wala kasing tao at tayo maunang makakasakay.”
Tinuro niya ang parang isang konkretong isla sa harap ng mall malapit sa parking lot.
“Hindi dito na tayo parekoy,” sagot ko. Para kasi akong kinakabahan. Spider sense baga.
“Maraming tao dito,” ulit niya.

Dahil ayaw kong makipagtalo sumunod na lang ako.
At heto nga. Isang bus. “Para!” sabay kami ngunit tinignan lang kami ng driver na parang sinasabi ay “Duh?”

Aba isa pa at makakabinggo na sila sa akin. Masakit pa ang pisngi ko sa pagkakahampas sa pinto at ngayon dedma sila?.

May parating na naman. “Para!”. Wa pansin parin. At heto pa isa “Manong Paraaaaah!” Wa epek.

Nung pang-apat na na bus ay nagmenor ito at may itinuturo sa amin sa itaas. Uutuin pa yata kami na parang meron siyang tinuro sa taas ngunit wala at kami namang uto uto ay titingin at pagtatawan. Ngunit panay turo niya.
“Ano kaya yun?” tanong ko sa henyo kong kasama.
“Wala yun ginugudtaym lang tayo,” as usual ika niya.

Ngunit ng hindi na ako makatiis kasi puro dedma ang mga tsuper ay tiningala ko ang tinuturo ng driver sa amin at look and behold. Sa tapat naming mismo kung saan kami nakasilong ay isang napakalaking karatula na may nakasulat na:

NO LOADING BAY.

Mahirap din palang sumakay sa no loading zone…

At matapos ang ilang oras na pamamalagi at pagpara ng sasakyan sa no loading zone. Ako at ang aking henyong kasama ay nagdesisyon na mag move on na at lumipat sa ibang lugar kung saan nahanap naming ang tamang karatulang nagsasaad na.

LOADING BAY.

Mas madali palang sumakay sa loading zone.
Bago na namang kaalaman.