Wednesday 14 October 2015

Jeepney

Pinipilit ni Ethan na manatiling gising. Mag aalas syete na ng gabi pero nasa daan pa rin siya. Kumakalam na ang kanyang sikmura sa gutom. Nakalimutan na naman niyang mananghalian dahil sa dami ng kanyang trabaho. Sa panghihina halos tumalsik siya dahil hindi siya nakakapit ng biglang huminto ang sinasakyan niyang jeep.
Aangal na sana siya ng makita niya kung sino ang sumakay.
"Excuse me po" mahinhin na sabi ng babae. Sa pandinig ni Ethan ay parang musika ang boses nito. Nakadamit ito ng parang teller sa bangko. Maikli ang palda at ang blouse niya ay hapit na lalong nagpaganda sa mga kurba nito. Makinis at maputi ang kutis lalo na ang kanyang mga binti.
Umupo ang dalaga sa tapat niya. Hindi niya alam kun bakit bigla siyang na conscious sa hitsura niya. Pinadaan niya ang palad sa kulay asul niyang long sleeve na parang plantsa sa pag asang matanggal ang mga lukot nito.
Saglit na tinapunan siya ng tingin ng dalaga. Parang himinto ang tibok ng kanyang puso ng saglit na magtagpo ang kanilang mga mata. Kahit kinakabahan ay pinilit niyang ngumiti. Pakiramdam niya ay dahil sa pilit ay ang kaliwang parte lang ng labi niya ang umangat. Nagmukha tuloy siyang naistroke. Hindi niya masiguro kung ang ngiting ginanti ng dalaga ay simpleng ngiti o natatawang ngiti.
Dahil sa kahihiyan ay binawi ni Ethan ang tingin at ibinaling na lang sa bintana ng jeep. Pero panaka nakang niyang binabalingan ng tingin ang dalaga. Pasimple niya itong ginagawa. Sumasakit na nga ang kanyang mata dahil pilit niya itong sinisilip sa gilid ng kanyang paningin dahil ayaw niyang igalaw ang ulo para hindi siya mahalata.
Naramdaman siguro siya ng dalaga dahil tumingin din siya sa kanya. Sa pagmamadali upang hindi siya mahuli ay pinihit niya ang ulo palayo sa dalaga.
Bog! tumama tuloy ang kaliwang kilay niya sa bintana. Biglang nagtinginan sa kanya ang ibang mga pasahero. Dahil sa hiya ay hindi na niya inalintana ang sakit na parang sinusunog ang kanyang kaliwang sintido. Hindi siya gumalaw na parang walang nangyari. Nagdidilim na yata ang kanyang paningin. Para siyang nahihilo.
Nasa ganoong posisyon siya ng biglang may pumara. Muntik ulit siya napasubsub dahil hindi siya nakakapit. Nang muling umandar ang jeep ay muli niyang ibinaling ang tingin sa dalaga. At parang sinakluban siya ng langit at lupa ng malaman na wala na ito sa kanyang kinauupuan.
Ang dalagang bumighani sa kanya ang kanina palang pumara at bumaba. Sinubukan pa rin niya itong sundan ng tingin pero hindi na niya ito makita.
Dahan dahan niyang hinilot ang kilay upang maibsan ang sakit. Pero pakiramdam niya hindi doon galing ang nararamdaman niya kundi sa kanyang dibdib. Muli ay iginala niya ang kanyang mata sa binabaan ng dalaga. Ngunit tanging mga ilaw na lang ang kanyang nakita.